Sunday, January 8, 2012

Sabi ng Panginoon


Sabi ng Panginoon, “Wala nang lunas ang kabulukan ng tao. Labis na siyang nagpapakasama-sama. Ngayon, dahil diyan iuunat ko ang Aking mga kamay upang magparusa. Parurusahan Ko ang mga taong tumatawag sa Pangalan Ko para humingi pero di naman Ako sinusunod sa halip nagpapakasama. Sila’y nagsisinungaling at ginagamit ang Pangalan Ko sa walang kabuluhan. Parurusahan Ko sila sapagkat sila’y masasama at nagpapaalipin sa kasalanan. Sinasayang nila ang ginawa Ko sa krus para sa kanilang kaligtasan. Muli nila Akong ipinapako sa krus at ibinibilad sa kahihiyan. Nawala na ang kanilang kahihiyan at wala na silang inaatupag kundi pawing kalaswaan. Parurusahan Ko sila at iyon ang nararapat. Niluluwalhati nila ang kamunduhan at kahalayan na naging mga diyus-diyusan nila. Ito ngayon ang bumubulag sa kanila para di nila Makita at malaman ang katotohanan. Nag-imbento sila ng sarili nilang relihiyon at ito ang relihiyon ng Diyablo – na sinusunod ang bawat hilig ng laman – ang pangangalunya, karima-rimarim na pamumuhay, pagsamba sa mga diyus-diyusan, pangkukulam, pagkagalit, pagkapoot, paninibugho, kasakiman, pagkakabaha-bahagi, pagkakampihan, pagkainggit, paglalasing, walang taros na pagsasaya at iba pang tulad nito. Binabalaan Ko kayo tulad noong una na di tatanggapin sa kaharian ng Diyos ang gumagawa ng ganito. At lalo pa silang nagpapakasama-sama. Nawalan na sila ng interes sa aking Salita ang langit ang tunay ninyong Bayan. Iukol ninyo ang inyong paningin sa mga bagay na makalangit at di sa makalupa. Sa langit ang kinaroroonan Ko at ng Aking Ama at ng Espiritu Santo. Naroon Ako para matunghayan Ko ang lahat at pumarito Ako sa mundo para makapiling Ko kayo at maranasan ninyo ang buhay na ganap at kasiya-siya. Nais kong ipadama kung gaano Ko kayo kamahal at iniibig. Subalit inabuso ninyo ang pag-ibig Kong ito na ibinigay sa inyo. Tinanggihan ninyo ang pag-ibig  na inialay Ko sa krus ang Aking buhay upang tubusin Ko kayo sa kasalanan at bigyan ng buhay na walang hanggan. Ipinagpalit ninyo sa salapi at iba pang material na bagay ang Aking pag-ibig. Dahil diyan, sinisingil kayo ng budhi ninyo at inuusig dahil sa katigasan ng inyong ulo. Pinatigas ninyo ang inyong puso at naging manhid kayo sa pangangailangan ng iba dahil nga binulag kayo ng mga materyal na bagay na iyan na kinahuhumalingan ninyo ngayon na inyong sinasamba at ng pag-ibig sa salapi. Ayon sa nasusulat, “ang lahat ng sumasamba sa mga diyus-diyusan ay matutulad sa kanila.” Kung paanong manhid at bulag ang mga diyus-diyusang ito, nagiging manhid din ang mga taong sumasamba rito. At gayon nga ang nangyayari, nagiging bulag at manhid sa pangangailangan ng iba ang mga nahuhumaling sa mga material na bagay at pag-ibig sa salapi. Wala na silang ibang naiisip kundi kung paanong kikita ng salapi para mabili ang gusto nila. Hindi ganyan ang ginawa ng mga unang Kristiyano. Sila’y nagpakadukha para maging mayaman ang iba. Ipinagbibili nila ang kanilang ari-arian at ang pinagbilhan ay ipinamamahagi ayon sa pangangailangan ng bawat isa. Nais Ko ngayong tularan ninyo ang ginawa nila upang maranasan ninyo ang at maunawaan ang tunay na kagalakan at kakuntentuhan sa buhay.
May panahon pa kayo para magsisi at tumalikod sa inyong mga kasalanan. Magsisi na kayo habang may panahon bago dumating ang araw ng kapighatian at kapanglawan na tiyak na darating sa sanlibutan para linisin sa karumihan ang mundong ito. Hindi Ko ikinatutuwa ang kamatayan ng masama. Ibig Kong siya’y magsisi at magbalik-loob sa Akin upang malasap niya ang Aking pag-ibig at pagpapatawad. Sapagkat  di Ko ninanais na kayo’y mapahamak. Ibig Kong maligtas kayo sa kasakunaang darating at makapiling kayo sa langit na tunay ninyong tahanan. Kaya magsisi na kayo upang maligtas at mabuhay.”

(Gal. 5:19-21; Heb. 13:14; Col. 3:1-2; Fil. 3:20; Juan 10:10a; 1 Tm. 6:10; Gawa 2:44-45)

No comments:

Post a Comment