Tuesday, May 12, 2009

Misyon ng Tao

        Lahat ng tao ay may nakatakda ng misyon sa buhay bago pa ipanganak. Ito’y itinakda na sa kanya ng Diyos bago pa likhain ang sanlibutan. Ang misyong ito’y hanapin, makilala, mahalin at paglingkuran ang Diyos na di nakikita. Ito ang pangunahing misyon ng tao sa mundong ito. Kapag nagampanan niya ang misyong ito, magiging maligaya, kuntento, at tagumpay siya sa buhay na pahiram sa kanya ng Diyos. Kung hindi naman niya ito masumpungan magiging malungkot, hindi ganap, at bigo siya sa buhay sa daigdig na ito.

        Maraming tao ang naghahanap ng kaligayahan kung saan-saang lugar o bagay at kung kani-kaninong tao. Itinuturo ng salita ng Diyos na dapat nating hanapin ang kaligayahan sa Diyos at ang mga pangarap natin ay ating makakamtan (Awit 37:4). Subalit ang mga tao ay naghahanap ng kaligayahan sa mga bagay na pansamantala at lumilipas sa pag-aakalang siya’y magiging kuntento at tagumpay sa buhay na ito. Datapuwat kabaligtaran ang nangyayari. Habang nadaragdagan ang pangangailangan ng tao lalo siyang nagiging hindi kuntento sa buhay. Sa banding huli higit siyang nagiging malungkot, kulang, at miserable sa buhay. Kapag kasama ng mga kaibigan at kakilala naipapakita niya ang kasiyahang huwad pero kapag nag-iisa na siya lumalabas na ang tunay niyang nasasaloob. Bakit nagkakaganito ang buhay ng mga tao? Sapagkat hinahanap nga niya ang kasagutan, kasapatan, at kaligayahan sa mga bagay na lumilipas sa pag-aakalang iyon ang pupuno sa kanyang kahungkagan sa buhay. Noon pa mang una’y naranasan na ito ng tao at isang matalinong tao ang nagsabi ng ganito: “Walang kabuluhan, walang halaga ang lahat ng bagay” (Mang.1:2). Siya ay si Solomon, anak ni Haring David. Siya ang isa sa pinakamarunong, pinakatanyag, at pinakamayamang tao ng kanyang kapanahunan. Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay nasabi niya ang mga pananalitang ito bagamat siya pa ang nagpagawa ng pinakamagandang templo ng Diyos sa lupa noon. Bakit kung ganoon? Sapagkat natuon siya ng husto sa mga alalahanin sa daigdig na ito. Ipinapakita ng halimbawa ni Solomon na hindi ang kayamanan, katanyagan, at maging karunungan ang makapagpapaligaya sa tao kundi ang personal na relasyon sa Diyos. Si Solomon na rin ang nagsabi: “Kung wala ang Diyos walang kasiyahan ang sinuman. Ang karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya.” (Mang. 2:25-26). Sinasabi rin sa Juan 14:6: Sumagot si Hesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan Ko.” Si Hesus ang ibinigay ng Ama sa katubusan ng ating mga kasalanan. Ang kasalanan kung gayon ang nagdulot sa tao ng kahirapan, pagdurusa, kalungkutan, at kabiguan sa buhay. Sinasabi ng biblia sa I Juan 3:4 na ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Ang Diyos ay nagbigay sa atin ng Kautusan upang maging pamantayan natin sa buhay sa daigdig na ito. Ito ang nagtuturo sa atin kung alin ang mabuti o masama. Subalit ipinakita na kasaysayan at maging sa ating makabagong panahon na hindi nasusunod at nasunod ng tao ang Kautusan ng Diyos. Bakit? Sapagkat naalipin siya ng kasalanan na humahatak sa kanya para gumawa siya ng masama at nagtutulak sa kanya sa kapahamakan. Ang kasalanan ang bumubulag sa tao upang gawin ang bawat maibigan na sa palagay niya ay tama basta hindi makakaperwisyo sa iba, okey na raw iyon. Halimbawa kung sabihin ng isang lasenggo na hindi naman siya nakakaperwisyo sa iba kapag naglalasing ay tama na sa kanya iyon. Basta wala siyang naaapektuhang tao. Sinasabi rin niyang wala naman sa Sampung Utos na ipinagbabawal ang paglalasing. Ang nagiging pamantayan niya ngayon ay ang kanyang sariling palagay at hindi ang kautusan. Makikita natin dito na hindi nagampanan ng kautusan ang kanyang tungkulin upang ituwid at baguhin ang tao sa liko niyang pamumuhay. Sinasabi rin sa Galatia 2:16 na ang tao’y hindi mapawawalang-sala sa pamamagitan ng pagtalima sa kautusan. Ngayon, kung hindi kayang ituwid at baguhin ang tao sa pamamagitan ng kautusan, ano ang puwedeng magtuwid at magbago sa kanya? Salamat sa Diyos sapagkat noon pa mang una’y nakita na niya ito. Ito ang dahilan kung bakit ibinigay ng Diyos ang kanyang Bugtong na Anak. Siya ang naging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan sa lahat ng mananalig sa Kanya. Ang Anak ng Diyos ay nagkatawang-tao at namuhay na karaniwang tao sa ilalim ng kautusan upang mapalaya ang lahat ng nasa ilalim nito (Galatia 4:4-5). Siya ay inusig, pinaratangan ng mali, at namatay sa krus upang maging handog sa kapatawaran ng kasalanan ng lahat ng tao. At sa pamamagitan ng dugo niyang nabubo, nililinis ng Diyos ang kasalanan ng mga taong nananalig sa Kanyang Anak. At noong siya’y muling nabuhay, nagtagumpay na Siya sa kamatayan at kasalanang mortal na kaaway ng tao sa daigdig na ito. Sa gayon ang lahat ng mananalig sa Hesus ay pawawalang-sala ng Diyos sa lahat ng umaalipin sa tao upang mamuhay ng kalugud-lugod sa Kanya.

         Subalit naganap na ang pag-aalay ni Hesus sa krus at ang muli niyang pagkabuhay, bakit marami pa rin taong namumuhay sa kasalanan at kalayawan na parang wala namang Diyos? Ang dahilan ay sapagkat hindi lahat ng tao ay naniwala kay Hesus at kadalasan sumusunod lang ang tao sa Diyos dahil iyon ay iniutos sa kanya o nakaugalian na niya na nagpasalin-salin (tradisyon) at nawawalan na ng kabuluhan ang ginawa ni Hesus sa krus. Kung makikinig lang tayo sa mga itinuturo sa mga simbahan ay bihira nang binibigyang-diin ang kasalanan at ang kabayaran nito sa pangangaral o sermon, kahalagahan at kahulugan ng bautismo, kahulugan ng kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Hesus sa ating mga personal na buhay, Pangkalahatang Kahatulan, ang tungkol sa Langit at Impiyerno, at Buhay na Walang Hanggan. Ang itinuturo na lang ngayon ay tungkol sa Social Righteousness. Hindi dapat maging corrupt ang mga opisyal ng pamahalaan, etc. Laging sila ang pinapatungkulan at natitira subalit ang mga kasalanan ng ordinaryong mga tao ay na-to-tolerate. Hindi gaanong hinahamon ang mga taong magsisi at tumalikod sa mga kasalanan at kung hinahamon man, kakaunti lamang ang tumutugon sa panawagan ng pagsisisi. Hinahayaan na lang ang mga taong manatili sa kanilang kasalanan basta gagawa lamang ng mabuti sa kanilang kapwa na para bang ito lang ang paraan para mapatawad ang tao sa kasalanan. Nalilimutan na ang handog ni Cristo Hesus sa krus ay sapat na upang tayo ay mapatawad sa ating mga kasalanan kung mananalig tayo sa Kanya at Kanyang ginawa para sa atin, pagsisisihan at tatalikdan ang ating mga kasalanan, at tatanggapin Siya sa ating mga puso bilang Panginoon at Tagapagligtas (Heb. 9:28; 10:12-18; Gawa 2:38; Juan 1:12-13; Pahayag 3:20). Ang mabubuting gawa ay bunga ng ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus bilang Panginoon at Tagapagligtas. Ang sinasabi pa nila, sa Araw ng Paghuhukom na lang daw malalaman kung sino ang maliligtas at kung sino ang mapapahamak. Mali pong turo ito. Inutusan ng Panginoon ang Kanyang mga alagad na ipangaral ang Mabuting Balita sa lahat ng tao at sa lahat ng bansa, bautismuhan sila at turuang sumunod sa lahat ng aral Niya (Mateo 28:18-20). Nangangahulugan ito na dapat ipangaral ang pagsisisi, kapatawaran ng kasalanan, kaligtasan, at buhay na walang hanggan upang magsisi ang mga tao sa kanilang mga kasalanan at magbagong-buhay upang magkaroon ng katiyakan na sila’y maliligtas dito pa lang sa lupa at sa kabilang buhay (Juan 3:16-18,36). Paano magsisisi ang tao sa mga kasalanan niya kung di ipinapangaral ang tungkol dito at sa kabayaran nito? Paano sila magbabagong-buhay? Sa pamamagitan lang ba ng sariling kakayahan at edukasyon? Maraming matalino ang hindi nakakasumpong ng tunay na kahulugan ng buhay at nananatiling malungkot sa kabila ng kanilang mga nakamit na tagumpay, kayamanan, at kasikatan. Bakit? Iisa ang dahilan – hindi nila kilala nang personal ang Diyos na lumikha sa kanila at nagbigay sa kanila ng lahat na mayroon sila. Sa patunay ng karanasan at kasaysayan, hindi kayang iligtas ng edukasyon ang tao sa kasalanan niya ni pabutihin ng edukasyon ang moralidad ng tao. Hindi ito nangangahulugang masama ang edukasyon. Kailangan natin ito sa temporal na buhay sa ibabaw ng lupa subalit hindi ito ang solusyon sa maraming katanungan ng tao tungkol sa tunay na kahulugan ng buhay, kung bakit siya naririto sa mundo, kung ano ang layunin niya sa daigdig na ito, at marami pang iba. Dito ngayon pumapasok ang papel na ginagampanan ng Mabuting balita tungkol kay Cristo Hesus. Una: Nilikha ng Diyos ang sanlibutan mula sa wala. Hindi ito produkto ng ebolusyon. Pagkatapos nilikha Niya ang iba’t ibang uri ng halaman at hayop sa ibabaw ng lupa at sa tubig. Pinagpala niya ang mga ito at inutusang magpakarami. Pagkatapos nilikha Niya ang tao buhat sa alabok. Hiningahan Niya at nagkaroon ito ng buhay. Nilikha nga Niya ang tao pagkatapos likhain ang lahat at siya ang pinaka-espesyal sa lahat ng Kanyang mga nilalang dahil nilikha siya ayon sa larawan at wangis mismo ng Diyos. Nagtatag din ang Diyos ng mga batas na natural na mamamahala sa sanlibutan. Pagkatapos, binigyan Niya ng tagubilin ang tao. Ginawa ng Diyos ito upang matiyak Niya kung susunod ang tao sa Kanya o hindi. Ito ang malayang pagpili ng tao. Hindi tayo nilikhang kagaya ng robot na de-susi. Nais ng Diyos na piliin natin Siya nang malaya at di pinipilit. Subalit di ito nangyari dahil sumuway nga ang tao at doon pumasok ang kasalanan. Ang magandang plano ng Diyos na makasama Niya tayo sa walang hanggang kaharian at kaluwalhatian ay sinira ng kasalanan ng pagsuway. Nasusulat na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan (Roma 6:23). Lahat tayo ngayon ay mamamatay at mapapahamak. Pinabayaan na lang ba tayo ng Diyos sa ganitong kalagayan? Hindi sapagkat ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig (I Juan 4:8). Kung Siya’y nagpaparusa di katumbas ng pagsuway (Awit 103:10). Kayat noong makita ito ng Diyos ay kaagad Siyang nagpadala ng magliligtas sa tao sa kanyang kalagayan upang makamtan muli niya ang plano ng Diyos sa kanya. Siya nga’y walang iba kundi si Hesus na Bugtong Niyang Anak. Siya’y nagdusa at namatay sa krus alang-alang sa atin – ang walang kasalanan para sa makasalanan upang sa pamamagitan Niya ay maging matuwid tayo sa harap ng Diyos (II Corinto 5:21). Ang lahat ngayon ng mananalig sa Kanya ay maliligtas.

         Ito ngayon ang solusyon sa lahat ng problema at katanungan ng tao sa buhay na ito. Ito ang dahilan kung bakit tayo naririto sa daigdig na ito – upang makilala, mahalin, at paglingkuran ang Diyos na di nakikita na unang nagmahal sa atin at nag-alay ng Kanyang sarili alang-alang sa atin (I Juan 4:10, 19). Kung gayon ang Diyos ang kahulugan ng buhay ng tao. Sayang kung hindi natin Siya makikilala dito sa lupa. Ito ang pinakamalaking pagkakamali na maaari nating magawa. Nawa’y huwag tayong magkamali sa pagpili bago maging huli ang lahat.

2 comments:

  1. paano ba ako mag misyon sa lupa po

    ReplyDelete
  2. Naisulat ko na unawain mo lang kaibigan...:)

    ReplyDelete